Saturday, October 10, 2009

Application

Gusto ko maging Nephrologist, o spesyalista sa Bato (Kidneys) dahil gusto kong mapangalagaang maigi ang natitirang bato ng aking Nanay. At dahil di ako pwede nitong taong ito, nag-apply ako kamakailan para magsimula sa 2010.


2 lang ang inaplayan ko: UST at PGH. Bakit? Bukod sa magandang mga programa, naisipan ko na magkakaroon ako ng exposure sa isang kapiligirang nagtuturo. Kasi, nung ikalawang taon ko sa IM, biglang kong natanto and kahalagaan na magturo di lang sa pasyente, kung di ng mga kapwa ko Duktor at mga gustong maging Duktor. Kung tutuusin di ako matatapos ng Medisina kung walang mga Duktor na nagsilbing Guro sa aking Pamantasan.


Nung huwebes ay natapos na ang exam at interview ko sa UST. Medyo okay naman, 5 kaming aplikante para sa 3 slots. Sana matanggap, ngunit kung hindi, wala akong magagawa. Para ka lang nangliligaw sa 1 babae at marami kayong nanliligaw. Kung di ka pinili, pasensya ka. Sa susunod na buwan sa PGH naman ang exam ko. Positibo ako na matatanngap ako dito. Kung di pa rin, may Plan C ako...

Monday, September 28, 2009

Update

Kumusta? Siyempre TNSA Online ito kaya pagkakataon ko na magbigay ng ilang balita ukol sa ating mga kasamahan sa 2004A:
  • Ikakasal sa susunod na buwan (Oktubre 5 kung di ako nagkakamali) ang "Boss" ng 2004A, na si Dr. George Bodegon kay Dra. Minet Barsana. Wishing you well sa iyong buhay-pag-aasawa at pagbuo ng pamilya!
  • Hindi na lang si Papsy Butch ang TV personality ngayon sa ating grupo, dahil nung huwebes,Setyembre 24, ay ininterview si Dra. Heidi Barola (Go Bakola!) bilang kasama sa "Kapusong Totoo" segment ng 24 Oras. Siya ang nag-clearance ng mga batang may luslos na inoperahan sa Phil. Childrens Medical Center. Sinubukan kong maghanap ng video link ngunit nabigo ako. Hindi man lang nilagay sa homepage ng GMA Kapuso Foundation, tsk tsk.
  • Nakita ko rin si Dra. Rodelie Banico sa UST para mag-apply ng Fellowship dun. Binigyan pa niya ako ng maikling tour sa paligid ng Ospital. Sana matanggap ako at magiging Senior ko sya, hehe.
  • Nagkausap din kami saglit ni Dra. "Inspector" Mildred Bolisay pagkatapos ng POGS In-Service Exam nila. Ito ang unang pagkakataong nagkita kami mula nung siya ay kinasal nung Hunyo. Pinakilala ko rin sa kanya si Rhinel, na nag-exam din nung Setyembre 20.

Hanggang sa susunod na pagbalita. Pagdasal natin ang mga nasalanta ng bagyong Ondoy at sana huwag munang magkaroon ng bagyo sa mga susunod na araw.

Sunday, September 27, 2009

Tsk Tsk

Setyembre 26, 2009, Sabado: isa na siguro sa pinakanakakilabot na trahedya na umalanta sa kalakhang Maynila. Ang lakas ng ulan na dulot ng bagyong Ondoy ay nagdala ng matinding baha na umabot lagpas bahay lalo na sa mga lungsod ng Marikina, Pasig, Cainta at iba pa. Pati ang mga dating di naaapektuhan ng baha, nakatikim din. Di katakataka na ang aking pinakamamahal na Med School ay nalunod din sa baha (dahil tabi ng ilog San Juan). Ngunit, base sa mga kwentong naririnig ko at sa mga video na nakita ko (tulad nito), terible ang naging karanasan ng lahat ng na-trap sa Ospital!

Wala ako sa Maynila habang nangyayari ang mga ito. Halo-halo ang aking nararamdaman habang ako'y nanonood sa TV ng mga pangyayari. Una, alalang-alala ako dahil sa Bacood (ang dati naming tirahan at kung san andun Lola ko), lagpas tao na ang baha at sinusubukang tumawag ng Rescue ang Mommy ko, ngunit walang dumating. Buti na lang, di na tumaas ang baha.

Pangalawa, galit ako dahil nga gabi nang nagsimula ang rescue ng NDCC. Pagkakataon nang magpasikat ni Giba Teodoro (pati na rin si GMA) ngunit di ko nagustuhan ang diskarte niya dahil napakabagal ng pagkilos niya. Kung tutuusin yung commercial niya sa TV ay tungkol sa "disaster preparedness". Paano ka magiging handa kung kakaunti lamang ang rubber boats na pwedeng gamitin para sa pag-rescue? Oo nga pala, nasa bulsa na ng Boss niya ang pera ng Bayan kaya walang mapag-gastusan! Pweh!

Pangatlo ay pangamba. Pandemic, banta ng terorismo at digmaang nuklear, tapos matitinding kalmidad tulad nito. Malapit na nga bang matapos ang mundo? Sinisingil na ba tayo ni Inang Kalikasan (sa tingin ko, kung oo man interes pa lang ito)? Ang magagawa ko na lang ay magdasal.

Ngunit ang huli ay pag-asa. Pag-asa na mas magiging handa tayo sa susunod. Pag-asa na mas magiging malapit tayo sa Panginoon. At pag-asa na magagamit natin ang pangyayaring ito sa pagpili ng mabubuting pinuno sa susunod na taon. Kung di man mangyari ito, kaawaan na lang tayo ng Diyos!

Tuesday, September 15, 2009

Long Time

Simula nang dumating ako sa Pilipinas ay di ako nakatala ng blog. Napaka-busy ng aking mga akitibidades, kaya't kahit gusto na akong pabalikin ni Tita Mila sa US ay di ako maka-oo dahil marami pa akong inaasikaso.

Inuna ko na syempre ang aking pag-ayos ng rehistrasyon sa pagboto sa susunod na taon. Pumunta na ako sa opisina ng COMELEC sa Mandaluyong para magpalipat ng presintong bobotohan. Madali naman ang naging proseso at hindi impyerno. Ang mga hakbang ng pag-rehistro ay nasa website ng COMELEC. Yun nga lang, para magka-voters ID ako, maghintay ako ng matagal-tagal na panahon!

Taliwas ito sa pagkuha ng ma kopya ng dokumento sa PRC. Siksikan ang tao, di mo alam saan ang pila at napaka-init kahit umuulan ang panahon! Tapos, kailangan ko pang balikan sa sumunod na araw. Kung gusto ko ng same day at sa loob ng isang oras, may dagdag na bayad! Aaaargh!

Dalawang kaarawan na rin ang aking nasaksihan. Una na dito syempre ang kaarawan ng aking pinakamamahal na Nanay noong Agosto 30. Ako rin ang nagsilbing emcee/game-master at videographer (utol ko naman ang photographer) sa nasabing okasyon. Masaya ang lahat ng pumunta, medyo naging senti lang nung nagsalita ang aking Mom at mga Tito/Tita ko. Ang pangalawa ay kamakailan lang sa Tiendesitas, ang unanag kaarawan ng aking pamangkin na si Johann Maddux. Nag-video din ako dun at inaayos ko na ang DVD ng nasabing okasyon.

Nagbigay din ako ng mga pasalubong sa mga tao sa Ospital at Nephro Systems. May nakita na rin akong ilang mga kaibigan dito ngunit di pa kasama dito ang mga Slackers kung kaibigan dahil iba-iba ang kanlang mga duty.

Huli, ngunit pinaka-importante ay ang pagkita namin uli ng aking pinakamamahal na si Rhinel. Bonggang=bongga syempre mga pasalubong ko at nagbigay din ako ng regalo para i-celebrate ang aming ika-apat na taon bilang Doktor at ika-anim na taon simula nang UNA KAMING NAGKAKILALA! Ngayong linggo, pupunta siya dito sa Maynila para mag-in-service exam. Sana maka-gimik kami.
Hanggang dito na lang muna. Madami pa akong aayusin...

Tuesday, August 25, 2009

Thanks

Sa limitadong pagbasa ko sa mga blogs ay bihira dito ang ukol sa pagpapasalamat, anuman ang scenario. Sa loob ng dalawang buwan ay marami akong natutunan. May saya, lungkot, sama ng loob, sakit sa bulsa, pero higit sa lahat ang hirap na malayo sa aking mahal sa buhay at pamilya. Pero ang mga karanasan na ito ay titibay sa aking pagkatao at magiging gabay sa aking mga sususnod na hakbang sa kinabukasan.

Una kong gustong pasalamatan ang Diyos Ama, na nagbigay sa akin ng pagkakataon na ito. Mula sa paggising ko bawat araw hanggang sa aking paghimlay, alam kong ginagabayan ako. Dumaan nga ako sa maraming hirap, ngunit binibigyan nya ako nang lakas ng loob at pinapanatili niya akong malusog sa lahat ng aspeto.

Pangalawa syempre ang magulang ko. Alam ko na desisyon ko ang pagpunta dito, ngunit humingi pa rin ako ng kanilang basbas dahil alam ko na mahalaga ang kanilang sasabihin dahil alam nila ang makakabuti sa akin. Salamat din sa kanila sa pag-ayos din nila ng party ng Nanay ko sa darating na linggo at pag-update sa akin habang wala ako. Magkikita muli tayo!

Pangatlo syempre sina Tita Mila, Tito Bob at ang kanilang pamilya sa Mohave. Nakilala ko sila ng todong-todo ang naging bukas ang kanilang bahay para sa akin. Iilan sila sa mga nakilala ko na tinatawg kong "mabubuting pasyente", lalo na si Tita Mila, na tinuring akong isang ka-pamilya. Hanga rin ako sa kaniyang malakas na pananampalataya sa Diyos at inspirasyon ko sa pagbuti ng aking relasyon sa ating Ama. Dagdag pa dito ang 2 linggong biyahe sa East Coast na isa sa pinakamasaya at mahabang biyahe sa aking buhay.

Salamat sa mga nakilala ko sa US, lalo na kay Wincel na pinasyal ako sa Universal Studios. Si Kuya Ron, Ate Joanne at ang pamilya Caluag dito sa Hayward, CA na naging maganda ang pagtanggap at pagpasyal din sa akin sa Bay Area. Salamat sa mga ka-TNSA ko, sina Aris, Joel, Teachie at Paulyn, na sana pagbalik niyo sa Pilipinas ay magkita tayo at mag-kwentuhan uli. Maraming salamat din kay Dra. DJ Roxas, na nag-rekumenda sa akin, si Mam Me-Ann, sekretarya niya, si Dra. Mary Jane na pinalitan ko sa kanyang trabaho. Gusto ko ring pasalamatan si Mama Yazmin at Papa Rolly, na kausap ko at ka-text paminsan-minsan. Tinulungan nila rin ako na mapawi ang aking homesickness dito at dahil dun ay malaki ang utang na loob ko sa kanila.

Huli at pinakamahalaga ay kay Rhinel, ang aking Honey. Alam kong naging mahirap sa iyo na malayo ka sa akin at may mga bagay na dapat tayong pag-usapan. Bigyan mo ko ng pagkakataon pagbalik ko dyan. Mahal na Mahal kita! See you soon!

Friday, August 21, 2009

New York State of Mind

Sa wakas, nalalapit na ang aking pagbalik sa Perlas ng Silangan. Ngunit bago ang lahat ay gusto kong gunitain ang mga bisita ko. Gusto ko sana unahin ang Newport o San Diego dahil mga nauna ito pero baka sa ibang panahon na lang. Sapagkat ang pinaka-gusto kong lugar na napuntahan (well, as of present kasi nasa San Francisco ako't di pa ko nakakapasyal masyado dito) ay ang New (Nueva) York.

Sa unang araw ko pa lang dun ay marami na kong nakita. Pagbaba pa lang ng istasyon ng tren at paglabas ay katabi nito ang "World's Most Famous Arena", ang homecourt ng Knicks, ang Madison Square Garden. Mangha din ako sa Central Post Office na mas maganda kaysa sa atin na nasa Liwasang Bonifacio. Pagka-kuha ng lahat ng bagahe ay tumuloy kami sa Times Square, dahil andun ang aming hotel. Matao, ma-traffic, mausok, maingay - Maynila ata ito!

Mula nun ay 5 araw na iba't ibang aktibidad ang aking ginawa. Nakita ko si Liberty (bagaman malayo) at ang Empire State Building. Nag-shopping sa 5th Avenue, lalo na sa aking paboritong tindahan, ang NBA Store! Kumain ng iba't ibang putahe, mula sa Tad's Steakhouse hanggang sa makapag-pigil hiningang Brazil Grill! At nakita ko rin si Tina Fey! Sayang nga lang at di ako nakatuloy sa pagpunta sa isang Broadway Musical dahil sa problema sa schedule.

Ngunit isang dahilan kung naging importante ito (as in TNSA-importante) ay dahil nakita ko si Aris Cochon, kaklase ko sa 2004A at ka-miyembro ng Chunks/What Men. Kumain kami sa Pop's Burger, pumunta sa Lower Manhattan area at nag-enjoy sa New York Nightlife sa pagpunta namin sa isang bar, kasama ni Michelle (ang kanyang asawa) at mga pinsan. Nagkumustahan kami at nag-usap ukol sa mga buhay-buhay namin, pati na rin ng iba naming kasama, lalo na sa Grupo. Pag naayos ko ang mga video ko, baka ilagay ko sa Facebook, pero medyo madilim kasi sa loob at siksikan. Nagpaalam ako ng bandang 1:30 ng madaling araw dahil medyo mabigat na mata ko sa beer at hinahanap na ako ng aking pasyente. Sinabi niya na babalik siya sa Pilipinas sa Enero upang ikasal sila ni Michelle sa simbahan (imbitado nga ako eh!). Masaya at di ko malilimutan ang gabing iyon (bitin nga lang). Sana may susunod pa...

Wednesday, August 19, 2009

Time Traveler's Life

Dalawang linggo na namang di ako naka-blog (inconsistency is my only constant) dahil nasa biyahe ako at hirap kumuha ng signal sa internet. Nakakapagod ngunit masay ang kinahinatnan ng munting bakasyon na ito. Ang naging hamon lang sa akin ay ang pagsakay sa tren at pag-adjust sa oras, dahil sa isang iglap ay nag-iba na ang time zone na kung saan andun ang tren. Halimbawa, nung nasa California at Arizona ako at alas-otso ng gabi yun, pagtawid namin sa may New Mexico, aatras yun ng isang oras, so magiging alas-nuebe na ng gabi! So pwede niyong sabihin na nag-time travel ako. Ang diperensya ng oras sa California at New York (kung san kami pumunta) ay 3 oras, kaya kung alas-kwatro ng hapon sa California, ang oras sa New York ay alas-siyete ng gabi!

Sabihin niyo, 3 oras lang hirap na ako, samantalang hindi ko naman nireklamo ang 15 oras na pagkakaiba sa oras sa Manila at sa California, USA. Ganito kasi yun. Nakatulog ako ng maayos sa eroplano at na-budget kong maigi ang oras na gising ako kaya di ako nagka-jet lag pagbaba ng US. Isa pa ay halos di ko namalayan ang nasabing pagbabago sa oras dahil nakasara ang bintana ko at panay madilim. Samantalang , mas mahaba ang oras ng biyahe ko sa tren (halos 2 araw!) at namamalayan ko ang pagbabago ng oras dahil kitang-kita mo ang araw at gabi sa bintana (two sides pa!). Isa pa ay di ako nakatulog na maayos dahil matagtag ang biyahe at inaasikaso ko ang aking pasyente. Kaya kung tutuusin, nagka-train lag ako!

So ano ang mga personal na leksyon na natutunan ko. Una, mas okay kung eroplano sakyan mo pag pupunta sa luga na iba ang time zone. Wala lang akong magawa kasi may kasama ako na dapat kung tutukan at libre naman ito (angal ko 'no). Pangalawa, di naman ako hulihin sa biyahe, kaya dapat maghanap ako ng dibersyon. Nakapagbasa ako ng libro ngunit di naman pwedeng yun lang gawin ko. Pag-net o paglaro ng baraha sana kaso walang pagkakataon. At ang huli, tulog, tulog, tulog. Magtipid ng enerhiya kung maaari para hindi maubusan ng lakas pag dumating sa destinasyon.

Sa ngayon, tapos na ang aking "travel through time". Ilalahad ko ang aking mga karanasan sa mga susunod na araw. Ayusin ko muna mga litrato at videos ko.

Friday, July 31, 2009

Yellow Tears

Pagkagising ko ng tanghali ay nagulat ako sa isang matinding balita.

Sumakabilang-buhay na ang dating Pangulong Corazon C. Aquino. Sigurado akong di lang ako ang nakakaramdam ng matinding lungkot, kung di ang buong Pilipinas at mga taong naniniwala sa kapangyarihan ng Demokrasya. Habang sinasariwa ang mga pangyayari sa kanyang buhay, ay di ko mapigilang lumuha. Dahil mula ng magkamalay ako, naging mahalaga siya sa paghulma ng bansang aking minamahal.

Napakaraming pagsubok ang kanyang hinarap buong buhay niya. Mula sa pagkapiit ni Ninoy Aquino nung Martial Law, ang biglaan niyang pagka-biyuda, paghamon sa isang diktador, ilan-ilang kudeta at mga batikos, at pati na rin ang kanyang pakikipaglaban sa kanyang karamdaman, lahat ng iyon ay hinarap niya ng may tapang ngunit kalmante.

Nasaksi rin ng lahat ang iba't ibang aspeto ng kanyang buhay bukod sa pagiging Pangulo: bilang mapagmahal na asawa, mapagtiis na ina (sa dami ba naman ng kontrobersya ni Kris), modelo ng Demokrasya, mapagmalasakit na Pilipino at higit sa lahat, Katolikong may di mapapantayang pananampalataya.

Alam ko ang mga naging kontribusyon niya sa ating bansa (sige isasama ko na rin si Kris dito bilang isa), ngunit marami sa mga bagong henerasyon ay kilala lang siya bilang dating Pangulo na nagkaroon ng Colon Cancer. Sana ngayon, di dapat nating hayaang mabaon siya sa limot, tulad ng marami sa mga ating Bayaning binuwis ang kanilang buhay para sa ating bansa. Bukod dito, ito'y maging mensahe din ng pagkakaisa ng bawat Pilipino, lalo na ng mga nasa pamahalaan, dahil kung di sa kanya, di nila matatamasa ang kanilang kapangyarihan.

Tapos na ang pagdurusa ni Cory. Hindi na niya iindahin ang matinding kirot dulot ng kanyang kanser at halos 26 taong pagkatapos maging biyuda, makakasama na niya si Ninoy. (At pwede sila uli magpakasal sa langit, at si Jaime Cardinal Sin ang pari) Nagluluksa ang bayan ngunit ito'y mawawalang-silbi kung hindi natin ipagpapatuloy ang laban na kanyang sinimulan. CORY! CORY! CORY! CORY! CORY! CORY! CORY! CORY! CORY! CORY!...

Monday, July 27, 2009

Netizen

Regular akong nag-i-internet lalo na kung libre ako. Ito na ang naging pinaka-importanteng pamamaraan ng komunikasyon, pagkuha ng impormasyon at libangan para sa akin. At mura pa!

Minsan nang wala akong magawa ay naisipan ko kung nabanggit ba ako sa ibang website. Syempre di kasama ang website na ito, e-mails, Friendster at Facebook accounts ko. So ginamit ko ang Yahoo, Google, Lycos at MSN para malaman at ito ang ilan sa mga website na "extra" ako at nagpapasalamat sa kanila at kahit papaano, may silbi pala ako dito sa mundo:

Siyempre, una na dito ay yung listahan ng mga pumasa ng Physician Board Exam nung 2005. Ilalagay ko sana yung website ng PRC kaso, ayon sa Google, the site may harm my computer (kasi na-hack ito nung Abril) at nalagyan ng virus.

Pangalawa dito ay yung nakabinbin ko pang meta-analysis sa Cochrane. Ito ang produkto ng aking seminar ng SEA-ORCHID group noong 2007 sa St. Lukes. Sana matapos ko na ito sa mas madaling panahon.

Yung natapos na Post-Graduate Course sa aming Ospital na inanunsyo ng Dept. of Health.

May pang-international din ako, una na dito ay ang aking Research Paper na pinresent ko sa Bangkok nung 2008. Ito'y tumutukoy sa "pagsunod" sa mga alituntunin sa paggamot ng Pneumonia (o Pulmonya) sa aking ospital. Tignan lang ang page A198 at siguruhing may Adobe reader (pdf file kasi).

At ang Research Paper ko nagyon sa Milan, na 1 sa 3 lang na Research na galing sa Pilipinas. Ginawa ko ito nung 3rd Year Resident ako, at ito'y tungkol sa pag-translate ng isang questionnaire para sa mga nag-da-dialysis. Tignan ang nasabing questionnaire sa website na ito. Nagpapasalamat ako sa KDQOL para sa kanilang tulong. Malapit nang ma-publish ito sa 1 journal, hinihintay ko na lang.

Huli, pero kasing-importante ay ang website na ginawa ng aking kaklase sa High School na si Brian Bartolome. Kasama dito ang maikling paglarawan sa akin at bihirang litrato ko nung mga panahong iyon, kasi camera shy ako noon.

Kung may iba kayong alam, pakisabi sa akin. Sana nga lang, wala sa Youtube at baka lumabas na kakatuwa yun sa akin.

Sunday, July 26, 2009

Random Thoughts: Web Edition

Nung ako'y nasa kolehiyo ay nagsimula akong magtala ng kung anu-anong pumapasok sa aking malawak na kukote at ang pamagat nito ay "Random Thoughts". Parang diary pero di naman ako nakakatala araw-araw, dahil minsan busy, minsan tinatamad, minsan antok o nakalimutan ko dalhin. Nakalagay ito sa isang kuwaderno na nakatago (di ko sasabihin kung saan dahil sensitibo ang nilalaman nito) at matagal ko na ring di nasusulatan.

At dahil gusto kong magtala ngayon pero di ko dala dahil nasa Pilipinas, ito ang ilan sa aking mga Random Thoughts sa araw na ito: Web Edition 1.0


9:03a.m
Woke up late! Cell phone alarm was set at 7:30p.m. instead of a.m. (Gosh!) Another day without Rhinel.

10:30a.m.
Borrowed an electric razor from Rey, will do what I have not done before: CUT MY HAIR!

11:27a.m.
After a meticulous trim and bath, I feel refreshed! Ready for the trip (hopefully)!

12:44p.m.
Went out for a walk outside. 98F but there was breeze, thinking of Rhinel.

1:15p.m.
After 1 mile: Aah! Paradise!

2:30p.m.
Suppose to be going home but Tita Milanen saw me walking and brought me to a place where she said has a good ice cream.

2:43p.m.
Hawaiian Betty sure beats the heat!

4:51p.m.
Miss ko na Honey ko. Sigh!

6:30p.m.
For no apparent reason, searched Google if there are other blogs by someone named Rommel Bataclan. Fortunately none. I tried Google Translate for my blog (since it's in Tagalog) and the result was a Blog done by a rich girl from Forbes! LOL!

7:34p.m.
In the mood for blogging.


Hanggang dito na lang muna. Kain muna ko hapunan. Paalam!

Friday, July 24, 2009

Ibang Pananaw

Halos 3 buwan nang nakakalipas nang pumutok ang iskandalo ni Dr. Hayden Kho at Katrina Halili. Marami nang kuwento ang isinalaysay at maraming tao na ang nasangkot, pero wala pa ring umaamin kung sino ang nagkalat sa internet. Pero walang ikakalat kung walang ni-rekord, at dun nagkamali si Dr. Kho.

Pero ang mas interesadong anggulo na naungkat sa iskandalo na ito, sa aking pananaw, ay ang pagsampa ni Katrina Halili ng kasong Medical Malpractice kay Dr. Hayden Kho at sa Belo Medical Group. Ito ay diumano sa paggawa ni Dr. Kho ng Liposuction, bagaman 6 na buwan pa lang siyang nakapasa nun sa Board Exam (Lisensya sa pagiging Duktor) at walang sapat (at "pormal") na training sa ganitong klaseng operasyon.

Sa isang panig, maraming nagsasabing malayo na ito sa pinaka-puso ng iskandalo. Na napupunta na sa kung saan-saan ang iskandalo na ito at wala namang nangyayaring mabilis na aksyon sa mga kinauukulan (paging PRC at DOH!). Sa tingin ng iba, nagiging masyadong personal na si Katrina Halili at dinawit na din si Dra. Vicki Belo, na sinasabi din namang biktima sa iskandalong ito. At ayon na rin kay Dra. Belo, walang naging masamang epekto (injury o pagkamatay) na nangyari habang o pagkatapos ginawa ang procedure.

Ngunit sa kabilang dako, ayon sa kampo nina Katrina Halili, ginagawa nila ito para sa interes ng lahat, na magkaroon ng mas stirktong regulasyon sa practice ng Cosmetic Surgery at ma-i-promote ang Cosmetic Tourism ng bansa.

Maraming websites ang nagbibigay ng legal na kahulugan ng Malpractice, ngunit alalahanin natin na iba't iba ang interpretasyon nito ng mga abugado at husgado. Sinubukan ko ring maghanap ng istatistika sa bilang ng mga kasong Medical Malpractice sa Pilipinas ngunit nabigo ako. Pero sa tingin ko, bawat Ospital ay humarap (o muntik nang humarap) sa ganitong uri ng kaso. Ngunit, itong kaso na ito ang unang kaso sa aking pagkakaalam na hinahamon ang sistemang medikal sa ating bansa.

Bagaman marami nang specialista (OB-Gyne, Pedia, Surgeon, Internal Medicine) at Ospital ang nag-aalok ng pagsasanay o training, walang batas na nag-re-regulate ukol dito. May mga grupong nagsusulong nito ngunit maraming hadlang o balakid. Kulang sa political will, interes ng ibang grupo o mga Duktor at syempre, mga mambabatas na walang silbi ang ilan lang sa mga dahilan. Malaki ang implikasyon ng kakulangan na ito sa kasokung ito'y magkaroon ng desisyon, dahil ito ang pundasyon ng kaso ng grupo ni Bb. Halili.

Halimbawa, mapatunayang di guilty si Dr. Kho at Belo, di na magiging desidido ang mga Duktor na magpakahirap para maging specialista, sapagkat di naman pala kailangan ng pormal na pagsasanay para dito. Kung gayon ay kahit Internal Medicine ang tinapos ko, pwede na kong mag-liposuction sapagkat 4 na taon na akong Duktor (si Hayden 3 taon pa lang na Duktor)! Ang siste, dapat ay di ako makasakit o makapatay ng pasyente sa paggawa nito.

Ngunit kung maging guilty, magbubunga ito ng ibayong pag-iingat sa mga Duktor at pati na rin sa mga taong nagnanais magpa-retoke o liposuction. Maaaring magpatibay ng mga batas na magbibigay ng standards sa bawat specialista at mapapangalagaan ang kapakanan ng lahat.

Sa ngayon, nakabinbin ang kaso. Mabagal ang usad nito. Kaya ang payo ko na lang sa iba ay kilalaning maigi ang inyong Duktor. Kampante ba kayo na magpatingin sa hindi dumaan ng pormal na pagsasanay? May sapat ba siyang kakayanan? Pero dapat tandaan na di lang ito ang sukatan ng isang magaling na Duktor. Pagmamalasakit sa iba, maganda ang komunikasyon sa kanyang pasyente at marami pang iba. Sana may kahantungan ito.

Friday, July 10, 2009

Primum Non Nocere


Hulyo 10, 2009

Alam ko na dapat na nating patahimikin ang kaluluwa ng isang tao pag ito'y sumakabilang buhay na. Ngunit may mga kamatayang nagtuturo ng leksyon sa bawat isa. Di nga natin alam kung kailan o paano tayo mamamatay pero, iba na rin siguro yung tayo'y nag-iingat.

Ang pagkamatay ni Michael Jackson ay isang malaking dagok di lamang sa industriya ng musika kundi sa buong mundo. Halos lahat siguro ay sang-ayon na isa sya sa pinakamagaling na performer sa ating panahon. Ngunit paano siya namatay ay isa pa ring palaisipan. Hanggang ngayon ay may imbestigasyong nangyayari at dahan-dahan na nating nalalaman ang iba't ibang impormasyon.

Base sa mga balita, maaaring namatay si MJ dahil sa labis na paggamit ng mga pain-killers, iba dito'y malalakas na uri na ginagamit ding pampatulog o anestisya, tulad ng Propofol (Diprivan), Meperidine (Demerol) at iba pa. At sinasabing ito'y binibigay ng mga Duktor sa kanyang bahay o di kaya'y pagkatapos ng kanyang concert, na kung tutuusin, ay dapat ibinibigay lamang sa Ospital para ma-monitor ng maigi ang lagay ng pasyente. Matindi ang mga side effects ng mga gamot nito at maaaring nakamamatay.

Dito pa lang ay maraming tanong ang pumasok sa isip ko: Pinaalam ba ng Duktor ang maaaring mga epekto ng mga gamot na ito? Nagbigay ba ng ibang gamot na pwede niyang gamitin na "mas ligtas"? Kung sakaling "nalulong" si MJ, ay ginawa ba ng mga Duktor na itigil ang pagbigay ng gamot at ilagay sya sa rehab para magamot?

Hanggang ngayon, tikom pa rin ang bibig ng mga ito. Ayokong husgahan sila dahil Duktor din ako at alam ko na medyo iba ang sistemang medikal sa Estados Unidos. Ngunit kung totoo ngang nagpabaya ang mga Duktor na ito at hinayaan lang ibigay ang gamot (dahil si Michael Jackson sya at di tumatanggap ng "hindi" bilang sagot) kaliwa't kanan, nilabag nila ang pinakaunang utos ng pagiging Duktor: Primum Non Nocere, o sa Ingles "Do No Harm".

Syempre, importante din ang kalayaan ng pasyente na pumili ng kung anong uri ng lunas (o kung ayaw niya nito) na ibibigay sa kanya. Ngunit kailangan igabay ng Duktor ang pasyente (base sa ebidensya, pananampalataya ng pasyente, ekspektasyon niya etc) sa mga lunas na ito. Dapat alam din niya na kung di siya kumportable sa pagbigay ng isang uri ng lunas (mapa-operasyon, gamot o ibang procedure) niya sa pasyente at pinilit ng pasyente na ibigay ang lunas na iyon, ay huwag niyang gawin at maghanap ng ibang Duktor na pwedeng magbigay ng lunas. O dahil si Michael Jackson yan at malaki ang bayad kaya kahit labag sa kanilang practice ay ginawa pa rin nila?

Sabihin na nating ideal ako, o hipokrito at sasabihin niyong pag ako ang nasa katayuan nila ay gagawin ko din yun, dun kayo nagkakamali. Bilang Kristyano, alam ko na mahalaga ang buhay ng tao. Kung ang pagagawa sa kin ay sa tingin ko ay delikado, sasabihin ko ito ng maayos at ipapaliwanag. Pag magbanta o kaya ay alukin ko ang pera, di ako papatinag. Para mong sinabi na sinusunog ko na kaluluwa ko dito sa lupa pag ginawa ko iyon. Kasi pag may mangyari din naman pag binigay mo ang gusto, ikaw rin ang malalagot.

Sana mabigyan ng linaw sa mas lalong madaling panahon ang kaso na ito. Marami pang isyu ang umiikot sa pagkamatay ni MJ (kustodiya ng kanyang mga anak, mana at iba pa), ngunit dapat nating malaman kung pano siya namatay, para matahimik ang kanyang kaluluwa, at matigil na ang mga taong pilit sirain ang kanyang pangalan.


Thursday, July 9, 2009

Kapitan Sino, Kapitan Paano?

Hulyo 9, 2009
Di ko kilala ng personal si Bob Ong at sigurado akong alyas (pen-name) lang niya ito. Ngunit sa tingin ko ay lumaki kami sa parehong henerasyon, na nagkamalay sa isang panahong umaasa sa pagbabago ngunit hanggang ngayon ay di pa naisasakatuparan. Nailathala niya ang kanyang saloobin sa nakakaaliw at malikhaing pamamaraan, sa kanyang mga obra tulad ng "ABNKKBSNPLKo!", "Bakit Baligtad Magbasa ng Libro ang mga Pilipino?", "Stainless Longganisa" at iba pa.

Kaya't nang nalaman ko sa bayaw ko (na gusto rin ang kanyang mga akda) na may meron siyang bagong libro ang "Kapitan Sino", di ako nag-atubiling basahin ito.

Ito'y tungkol kay Rogelio Manglicmot, isang simpleng binatang taga-ayos ng mga sirang appliances (parang si Enteng Kabisote) na merong siyang kakaibang superpowers. Pinakita dito ang kanyang mga laban at pakikipagsapalaran bilang isang superhero na nabuhay sa Pilipinas circa dekada '80. Kung papaano niya hinarap ito at pano ito nagtapos, ay dapat niyong basahin. Ang istilo ng pagsusulat niya sa librong ito ay di nalalayo sa kanyang mga unang likha. Malinaw, may detalye pero diretso sa punto. Pwede itong basahin ng isang upuan, lalo na kung wala kayong pasok dahil may bagyo o kaya'y may H1N1 outbreak sa inyong opisina o paaralan.

Sa pagbabasa ko nito ay may malalim na mensahe na gustong sabihin ni Bob Ong, (tulad ng kanyang ibang libro). Para sa kin, ito ay ang hamon ng pagiging bayani ng bawat isa sa atin sa panahaong ito. Di kailangan ng superpowers para maka-epekto ng pagbabago, maliit man o malaki. Ngunit sa pagtugon sa hamon na ito, dapat isipin na may pagsubok na dadaan at maaring di palaging magtagumpay sa bawat laban. May mga hahadlang parati sa bawat pagsubok at ito'y di magiging madali. Kaya't nasa kamay ng bawat isa atin ang magiging kahihinatnan ng mga labang ito.

Sa ngayon, madaming lumalabas na mga grupo, kampanya, propaganda at adbokasiya ukol sa iba't ibang laban na hinaharap ng sangkatauhan. Ang pagsali ba dito ang inyong magiging paraan para makatulong? Sa king opinyon, di mo kailangang gawin ito upang mamulat na marami pang dapat gawin. Pwedeng magsimula sa bahay, sa sarili, maliliit na bagay na akala natin ay di mahalaga ngunit maaaring makadulot ng mas makabuluhang pagbabago. Ika na ng namayapang Michael Jackson: "I'm starting with the man in the mirror, I'm asking him to change his ways...". Ako, alam ko kung anong dapat gawin...

Wednesday, July 8, 2009

Hesitant Start

Hulyo 8, 2009

Hello! Matagal ko nang gusto itong gawin, ngunit sa dami ng ginagawa ko, naisantabi ko ito. Di rin ako komportable noon dahil ayokong nakatutok sa computer ng matagal para dito. May mga pagkakataon kasi na nakatunganga lang ako para masundan ang bawat salita na tina-type ko. Tulad nitong unang 3 pangungusap na inabot ako ng 10 minuto para lang malikha! Parang writers' block ika nga.

Ngunit maraming nang mga dumaang pangyayari na nagmitsa ng aking kagustuhang masimulan ang adhikaing ito. Una na dito ay ang aking pagpunta sa unang pagkakataon sa Estados Unidos. Panandalian lang ako dito pero marami na akong nalaman ukol sa takbo ng buhay dito. May masaya, maganda at malamig. Ngunit meron din lungkot (miss ko na pamilya ko at Honey ko), pangit (ilan lang) at init (tag-araw kasi dito, di tulad sa Pinas). Pangalawa ay ang kaguluhang nangyayari sa aking bansa. "Hayden" camera scandal, Election (or No Election) scenarios, Influenza H1N1 outbreak at ang John Lloyd-Ruffa issue, ilan lamang yan sa mga bumabagabag sa kin. Pangatlo ay ang nalalapit na selebrasyon ng aking (at karamihan sa mga kaklase ko) ika-4 na taon bilang lisensyadong Doktor.

Iba't ibang paksa ang aking ipupunto sa bawat post. Susubukan ko na talakayin yung mga di masyadong pinapansin na usapin ngunit mahalaga at malapit sa king puso. May pulitika, senti, palakasan, pelikula, pangyayari at syempre pang-kalusugan at buhay-Doktor. Maaaring sumang-ayon kayo o mas malamang, hindi. Pero ang mahalaga, malayang naipapahayag natin ang ating saloobin sa ibang tao.

Hanggang dito na lamang muna. Sa susunod nating pagkikita.