Hulyo 9, 2009Di ko kilala ng personal si Bob Ong at sigurado akong alyas (pen-name) lang niya ito. Ngunit sa tingin ko ay lumaki kami sa parehong henerasyon, na nagkamalay sa isang panahong umaasa sa pagbabago ngunit hanggang ngayon ay di pa naisasakatuparan. Nailathala niya ang kanyang saloobin sa nakakaaliw at malikhaing pamamaraan, sa kanyang mga obra tulad ng "ABNKKBSNPLKo!", "Bakit Baligtad Magbasa ng Libro ang mga Pilipino?", "Stainless Longganisa" at iba pa.
Kaya't nang nalaman ko sa bayaw ko (na gusto rin ang kanyang mga akda) na may meron siyang bagong libro ang "Kapitan Sino", di ako nag-atubiling basahin ito.
Ito'y tungkol kay Rogelio Manglicmot, isang simpleng binatang taga-ayos ng mga sirang appliances (parang si Enteng Kabisote) na merong siyang kakaibang superpowers. Pinakita dito ang kanyang mga laban at pakikipagsapalaran bilang isang superhero na nabuhay sa Pilipinas circa dekada '80. Kung papaano niya hinarap ito at pano ito nagtapos, ay dapat niyong basahin. Ang istilo ng pagsusulat niya sa librong ito ay di nalalayo sa kanyang mga unang likha. Malinaw, may detalye pero diretso sa punto. Pwede itong basahin ng isang upuan, lalo na kung wala kayong pasok dahil may bagyo o kaya'y may H1N1 outbreak sa inyong opisina o paaralan.
Sa pagbabasa ko nito ay may malalim na mensahe na gustong sabihin ni Bob Ong, (tulad ng kanyang ibang libro). Para sa kin, ito ay ang hamon ng pagiging bayani ng bawat isa sa atin sa panahaong ito. Di kailangan ng superpowers para maka-epekto ng pagbabago, maliit man o malaki. Ngunit sa pagtugon sa hamon na ito, dapat isipin na may pagsubok na dadaan at maaring di palaging magtagumpay sa bawat laban. May mga hahadlang parati sa bawat pagsubok at ito'y di magiging madali. Kaya't nasa kamay ng bawat isa atin ang magiging kahihinatnan ng mga labang ito.
Sa ngayon, madaming lumalabas na mga grupo, kampanya, propaganda at adbokasiya ukol sa iba't ibang laban na hinaharap ng sangkatauhan. Ang pagsali ba dito ang inyong magiging paraan para makatulong? Sa king opinyon, di mo kailangang gawin ito upang mamulat na marami pang dapat gawin. Pwedeng magsimula sa bahay, sa sarili, maliliit na bagay na akala natin ay di mahalaga ngunit maaaring makadulot ng mas makabuluhang pagbabago. Ika na ng namayapang Michael Jackson: "I'm starting with the man in the mirror, I'm asking him to change his ways...". Ako, alam ko kung anong dapat gawin...

No comments:
Post a Comment