Halos 3 buwan nang nakakalipas nang pumutok ang iskandalo ni Dr. Hayden Kho at Katrina Halili. Marami nang kuwento ang isinalaysay at maraming tao na ang nasangkot, pero wala pa ring umaamin kung sino ang nagkalat sa internet. Pero walang ikakalat kung walang ni-rekord, at dun nagkamali si Dr. Kho.Pero ang mas interesadong anggulo na naungkat sa iskandalo na ito, sa aking pananaw, ay ang pagsampa ni Katrina Halili ng kasong Medical Malpractice kay Dr. Hayden Kho at sa Belo Medical Group. Ito ay diumano sa paggawa ni Dr. Kho ng Liposuction, bagaman 6 na buwan pa lang siyang nakapasa nun sa Board Exam (Lisensya sa pagiging Duktor) at walang sapat (at "pormal") na training sa ganitong klaseng operasyon.
Sa isang panig, maraming nagsasabing malayo na ito sa pinaka-puso ng iskandalo. Na napupunta na sa kung saan-saan ang iskandalo na ito at wala namang nangyayaring mabilis na aksyon sa mga kinauukulan (paging PRC at DOH!). Sa tingin ng iba, nagiging masyadong personal na si Katrina Halili at dinawit na din si Dra. Vicki Belo, na sinasabi din namang biktima sa iskandalong ito. At ayon na rin kay Dra. Belo, walang naging masamang epekto (injury o pagkamatay) na nangyari habang o pagkatapos ginawa ang procedure.
Ngunit sa kabilang dako, ayon sa kampo nina Katrina Halili, ginagawa nila ito para sa interes ng lahat, na magkaroon ng mas stirktong regulasyon sa practice ng Cosmetic Surgery at ma-i-promote ang Cosmetic Tourism ng bansa.
Maraming websites ang nagbibigay ng legal na kahulugan ng Malpractice, ngunit alalahanin natin na iba't iba ang interpretasyon nito ng mga abugado at husgado. Sinubukan ko ring maghanap ng istatistika sa bilang ng mga kasong Medical Malpractice sa Pilipinas ngunit nabigo ako. Pero sa tingin ko, bawat Ospital ay humarap (o muntik nang humarap) sa ganitong uri ng kaso. Ngunit, itong kaso na ito ang unang kaso sa aking pagkakaalam na hinahamon ang sistemang medikal sa ating bansa.
Bagaman marami nang specialista (OB-Gyne, Pedia, Surgeon, Internal Medicine) at Ospital ang nag-aalok ng pagsasanay o training, walang batas na nag-re-regulate ukol dito. May mga grupong nagsusulong nito ngunit maraming hadlang o balakid. Kulang sa political will, interes ng ibang grupo o mga Duktor at syempre, mga mambabatas na walang silbi ang ilan lang sa mga dahilan. Malaki ang implikasyon ng kakulangan na ito sa kasokung ito'y magkaroon ng desisyon, dahil ito ang pundasyon ng kaso ng grupo ni Bb. Halili.
Halimbawa, mapatunayang di guilty si Dr. Kho at Belo, di na magiging desidido ang mga Duktor na magpakahirap para maging specialista, sapagkat di naman pala kailangan ng pormal na pagsasanay para dito. Kung gayon ay kahit Internal Medicine ang tinapos ko, pwede na kong mag-liposuction sapagkat 4 na taon na akong Duktor (si Hayden 3 taon pa lang na Duktor)! Ang siste, dapat ay di ako makasakit o makapatay ng pasyente sa paggawa nito.
Ngunit kung maging guilty, magbubunga ito ng ibayong pag-iingat sa mga Duktor at pati na rin sa mga taong nagnanais magpa-retoke o liposuction. Maaaring magpatibay ng mga batas na magbibigay ng standards sa bawat specialista at mapapangalagaan ang kapakanan ng lahat.
Sa ngayon, nakabinbin ang kaso. Mabagal ang usad nito. Kaya ang payo ko na lang sa iba ay kilalaning maigi ang inyong Duktor. Kampante ba kayo na magpatingin sa hindi dumaan ng pormal na pagsasanay? May sapat ba siyang kakayanan? Pero dapat tandaan na di lang ito ang sukatan ng isang magaling na Duktor. Pagmamalasakit sa iba, maganda ang komunikasyon sa kanyang pasyente at marami pang iba. Sana may kahantungan ito.

No comments:
Post a Comment