Sumakabilang-buhay na ang dating Pangulong Corazon C. Aquino. Sigurado akong di lang ako ang nakakaramdam ng matinding lungkot, kung di ang buong Pilipinas at mga taong naniniwala sa kapangyarihan ng Demokrasya. Habang sinasariwa ang mga pangyayari sa kanyang buhay, ay di ko mapigilang lumuha. Dahil mula ng magkamalay ako, naging mahalaga siya sa paghulma ng bansang aking minamahal.
Napakaraming pagsubok ang kanyang hinarap buong buhay niya. Mula sa pagkapiit ni Ninoy Aquino nung Martial Law, ang biglaan niyang pagka-biyuda, paghamon sa isang diktador, ilan-ilang kudeta at mga batikos, at pati na rin ang kanyang pakikipaglaban sa kanyang karamdaman, lahat ng iyon ay hinarap niya ng may tapang ngunit kalmante.
Nasaksi rin ng lahat ang iba't ibang aspeto ng kanyang buhay bukod sa pagiging Pangulo: bilang mapagmahal na asawa, mapagtiis na ina (sa dami ba naman ng kontrobersya ni Kris), modelo ng Demokrasya, mapagmalasakit na Pilipino at higit sa lahat, Katolikong may di mapapantayang pananampalataya.
Alam ko ang mga naging kontribusyon niya sa ating bansa (sige isasama ko na rin si Kris dito bilang isa), ngunit marami sa mga bagong henerasyon ay kilala lang siya bilang dating Pangulo na nagkaroon ng Colon Cancer. Sana ngayon, di dapat nating hayaang mabaon siya sa limot, tulad ng marami sa mga ating Bayaning binuwis ang kanilang buhay para sa ating bansa. Bukod dito, ito'y maging mensahe din ng pagkakaisa ng bawat Pilipino, lalo na ng mga nasa pamahalaan, dahil kung di sa kanya, di nila matatamasa ang kanilang kapangyarihan.
Tapos na ang pagdurusa ni Cory. Hindi na niya iindahin ang matinding kirot dulot ng kanyang kanser at halos 26 taong pagkatapos maging biyuda, makakasama na niya si Ninoy. (At pwede sila uli magpakasal sa langit, at si Jaime Cardinal Sin ang pari) Nagluluksa ang bayan ngunit ito'y mawawalang-silbi kung hindi natin ipagpapatuloy ang laban na kanyang sinimulan. CORY! CORY! CORY! CORY! CORY! CORY! CORY! CORY! CORY! CORY!...


No comments:
Post a Comment